Kahapon, nakikipag-usap ako sa isang kaibigan at isa sa mga napagusapan namin ay kung paanong madalas siyang sabihan ng mga problema, mga sikreto, mga hinanakit sa buhay at mga sama ng loob ng mga tao. Gusto ko sanang sabihing madalas s’yang maging sandbag. (Napulot ko mula sa isa pang kaibigan ang terminong ito. Pero naisip ko, ano ba ang significance ng sandbag? Sabi sa dictionary, ginagamit daw ito bilang weapon o panggawa ng walls o bilang ballast. Bale, para sa stabilization at reinforcement pala ang silbi n’ya.) Pero sa halip, ang nasabi ko, “You are everyone’s inidoro.” Iyon kasi ang biglang nag-ting! sa utak ko. Ayaw n’ya. Ang pangit nga naman kasing pakinggan. Pero pangit man, maganda naman ang kahulugan.
Malaki ang pakinabang ng mga inidoro. It is the right place to put your sh*t. Tamang taehan. Biruin mo, kung wala ‘to, dudumi ang mundo. Babaho ang paligid. Maraming magkakasakit.
Lahat tayo may kanya-kanyang inidoro. Ang iba private, ang iba public. Merong for exclusive use of a certain individual or group of people at meron namang bukas para sa lahat. Ang ibang tao, komportableng maglabas ng sama ng loob sa kung saan-saang inidoro at ang iba naman, mapili ang puwet. Hindi basta makatae kung saan-saan. Ang nangyayari tuloy, ang tagal na kinocontain ang sama ng loob. Bilib ako sa mga taong iyon. Napapatagal nila ng ilang oras at minsan pa ay kahit ilang araw ang mga sama ng loob sa katawan nila.
Magaling ang mga inidoro. Matapos ang naunang sagupa, kaunting flush lang at ready for use na ulit. Handa nang muling malabasan ng sama ng loob. Handa nang muling mataehan.
Pero may pagkakataong nasisira din ito, nagbabara at kinakailangan ng gagawa. May pagkakataong ang inidoro man ay mangangailangan ng sarili nitong inidoro. Lahat naman [ng tao] may kanya-kanyang sama ng loob na dinadala. Kailangan lang nating maramdaman ang pangangailangan.
Ang hamon: Be an inidoro to someone. Hindi tayo ipinanganak para maging dakilang taga-tae lang. Masarap rin sa pakiramdam na makita ang sarili mong may karatulang ‘occupied’. Dumumi ka man, bumaho ka man, gumaan naman ang pakiramdam ng taong tinulungan mo. Nabawasan, kung hindi man tuluyang nawala, naman ang sama ng loob at bigat na nararamdaman n’ya.
—-
Ang post na ito ay alay ko sa isa sa iilang inidoro ng buhay ko—na kahit sobrang layo na ngayon ng distansya namin sa isa’t isa, kahit may ilang libong milya pa sa pagitan naming dalawa, ay handa pa ring maging inidoro sa mga oras ng aking pangangailangan. :)